PATULOY PA RIN BA TAYONG MAGPAPALINLANG SA MGA TAONG MAY KAPANGYARIHAN?



Kawalang katarungan.

       Tama ang iyong nabasa, nais kong ipabatid sa inyong lahat ang isyung ito na kung saan patuloy pa ring naghahari dumaan man ang ilang libong taon, sadyang ang mga may makapangyarihan lamang ang nabibigyan ng malalaking oportunidad upang depensahan ang kanilang mga sarili. Ako ay napapa-isip, bakit palagi nalang naaapi ang mga mahihirap? Bakit natin tinitingala ang mga taong hindi naman karapat-dapat? Ito ang ilan sa mga rason kung bakit hanggang sa kasalukuyan patuloy pa rin ang pagdurusa ng mga dukha. Nililinlang lamang tayo ng mga taong ito at sadyang maraming umiidolo sa kanila at sa kasamaang palad may mga taong hinahayaan ang kanilang sarili na maging isang tuta. Bulag, karamihan sa atin ay bulag pa rin sa katotohanang hindi pagmamalasakit ang ginagawa ng mga taong ito kung hindi ang pagpapabango lamang sa kanilang mga pangalan. Sandamakmak na usapin ang maiiugnay ko sa paksang ito katulad ng diskriminasyon, kasakiman, at korupsiyon. Napapansin niyo ba ang mga kaganapan ngayon sa ating bansa? Kitang kita ang hindi patas na paglilitis sa isang tao na wala namang ginawang kasalanan dahil ito ay napagbintangan lamang o kaya ay ginamit ng mga sutil na tao upang pagtakpan ang kanilang butas. Ang hindi pantay na pagtingin sa karapatan ng bawat mamamayan. Ang pang-aabuso ng kapangyarihan. Ang pagkakaroon ng korupsiyon sa pamahalaan. At ang huli, paglabag sa karapatang pantao. Batid natin na ang problemang ito ay nangyayari na noon pa man, masasabi kong mas maraming kaso ng kawalang katarungan na nagaganap sa mga nakaraang henerasyon ngunit hindi pa rin talaga nawawala ang mga ito dahil na rin sa maling pagtuturo ng mga nakakatanda o ang mga nahahagilap sa paligid.





Ating mas lawakan pa ang kaalaman patungkol sa isyung ito sa paraan ng pagbibigay ng sari-saring sitwasyon na nauugnay. Bukas ang ating mga isipan ukol sa usaping diskirminasyon na pangkaraniwan pa ring nangyayari sa mga oras na ito ngunit marami sa atin ay wala man lang ginawa. Uunahin kong ilalahad ang hindi pantay na pagtingin sa mga magsasaka na sa halip ay may magandang naidulot sa ating bansa. Marami silang pagsasakirpisyo ngunit hindi ito pinapahalagan ng karamihan sa atin. Nakatatak na sa isipan ng iilan na kung ikaw ay magsasaka mabibilang ka sa pinakamamabang tao sa lipunan. Aking napanood sa isang istorya na nagpapakita ng paghihirap ng isang magsasaka at dahil na rin ito sa hindi magandang pagtrato ng matataas na tao sa kanila. May mga magsasaka na hindi nakapag-aral kung kaya’t  ang sinumang may masamang balak na manlinlang ay mapagtagumpayan ito. Sinasamantala nila ang kahinaan at ang perang ibinayad ay hindi pantay sa trabahong nagawa. Pangalawang halimbawa ay ang diskriminasyon laban sa mga may kapansanan. Natatanggap ng mga taong ito ang matitinding tukso dahil lamang may kulang sa kanila at hindi nabibigyan ng oportunidad na makamit ang mga pangarap. Ganito na lang ba tayo? Ang mang-abuso ng kapwa? Hanggang pagtuturo at salita na lang ba tayo? Ang hilig natin magbigay aral sa mga kabataan pati na rin sa mga nakakatanda subalit parang pumasok lang sa kanang tenga at lumbas sa kaliwa ang mga impormasyong inilahad ng nagtuturo. Tayong lahat ay nais nang lumabas at pumunta sa skwela pero sa kasamaang palad, wala pa ring pagbabago na nagaganap sa ating bansa tungkol sa pandemya na ating kinakaharap. Hangad ng mga tao ang mabakunahan subalit ang suplay ng mga bakuna ay hindi sapat para sa lahat dagdag na rin ang presyo na dapat bayaran sa mga ito. Aking napag-alaman na dapat ang mga taong nagseserbisyo kagaya ng mga doktor, pulis, at iba pa ang mauunang makakuha nito pero may nabasa akong balita sa social media na ang ilan sa mga matataas na opisyal ang inuuna at tinatakot pa ang mga nag ta-trabaho sa mga ospital kung hindi magawa ang kanilang mga utos. Hindi ako makapaniwala na ganito ka lala ang sitwasyon sa Pilipinas na ang mga mababang tao ay wala man lang kalaban laban dahil takot na masibak sa pinagkakakitaan. Inaabuso nila ang kapangyarihan na dapat sana tulungan ang mga tao na naghihirap. Ginamit nila ito sa pansariling interes na naging dahilan sa hindi pag-unlad ng ating bansa. Ako naman ay nababahala sa kondisyon ng gobyerno lalo na ngayon na papalapit na ang halalan. Bakit pa ulit-ulit na lang natin binoboto ang mga korupt at mapang-abuso na opisyal lalo na kung alam natin na hindi maganda ang naidulot nila para sa bansa? Dahil ba sa pera at mga pekeng pagmamalasakit sa panahon ng pangangampanya?  Sa parteng ito hindi ko lubos maintindihan kung bakit nahahalal pa rin ang mga taong ito kahit wala silang nagawang maganda para sa Pilipinas. Pakiusap mga kababayan, maging wais sa mga desisyon, huwag magpadala sa masamang temptasyon at iboto ang karapat-dapat. Bukod dito, alam ba ninyo na marami nang naparusahan sa maling paglilitis? Nanonood ako ng mga usapin tungkol sa mga kasong ito at may nakuha akong impormasyon na inaakasuhan ang kawawang mahirap upang pagtakpan lamang ang kasakiman ng isang may kaya. Walang katarungan ang dinanas ng dukha sa kamay ng mga suwail na taong nagsisilbi sa pamahalaan. Handa silang magpahamak ng inosente para lamang sa pera ng mga demonyong kriminal. Nakakalungkot man isipin pero ito ang katotohanan na hindi pa rin nagbabago noon pa man. Ang nais ko lamang mangyari na magsimula na ang pagbabago sa henerasyong ito at ang pagiging mulat ng mga tao.



 Sa lahat ng mga nabanggit ko na mga negatibo na nagaganap sa ating bansa, nais kong magbukas ng opinyon kung paano ito mababawasan. Hangad ko ang mabuting pagbabago at malugod kong gagawin ang lahat upang makatulong. Mahirap magpasunod ng tao dahil alam ko na kahit turuan mo sila ng tama, kung ang isip nila ay salungat sa iyong gustong mangyari, wala pa ring pagbabago na magaganap. Nais ko sanang simulan ito sa mga taong magkapareho ang hiling at paraan ng pagbabago dahil mailalahad nila ito sa kanilang mga pamilya at sa darating na mga anak. Bakit ito ang naisip kong gawin? Ang mga anak lalo na kung ito ay nagsisimula pa lamang magtuklas ng mga bagong kaalaman, ay walang sawang makikinig ito sa magulang na kanilang iniidolo at posibleng susundin ng mga bata ang kanyang nais iparating. Kung magsisimula sa mga nakakatanda ang pagtuturo ng mabuti sa anak, sigurado akong may mabuting kinabukasan ang buong mundo. Ayaw kong gumawa ng iba pang aksyon dahil alam kong sa panahon ngayon walang makikinig sa aking pagpo-protesta. Para sa akin, ang magandang gawin ay ipakalat ang kaalaman sa social media at maghanap ng mga taong handang making at ipamalas sa pagdaan ng panahon. Posible rin namang baguhin ang isip ng tao kaya walang sawa akong ilalabas ang  aking mga hinaing hanggang sa sila naman ang tutulong para sa kabutihan ng lahat. Mahirap man baguhin ang nakasanayan na, pero naniniwala ako hindi man ngayon ay mag-iiba rin ang mundo. Mga kababayan nais kong sabihin na: Buksan ang mga mata, talasan ang pandinig, at ibuka ang mga bibig! Hindi man ngayon pero bukas, sa makalawa, o sa susunod na mga taon hiling ko ang magandang pagbabago!

 


Comments